Inaasahang magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa ang trough ng low pressure area (LPA) at northeasterly surface windflow, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Oktubre 16.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang LPA sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) 980 kilometro ang layo sa kanluran ng Central Luzon.

Posible naman umanong magdulot ang trough ng LPA ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa lalawigan ng Palawan.

Maaaring magbunsod ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa ang malalakas na pag-ulan sa nasabing lugar, ayon sa PAGASA.

Metro

Baggage handling system sa NAIA 3, bumigay; nagdulot ng aberya sa mga pasahero

Inaasahan namang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains ang Batanes, Cagayan, Isabela, at Apayao dahil sa northeasterly surface windflow.

Wala naman umanong inaasahang epekto ang naturang mga pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.