Inakyat ni Vice President Sara Duterte ang pinakamataas na bundok sa Cebu na “Osmeña Peak” sa gitna ng kaniyang pagbisita sa bayan ng Dalaguete sa naturang lalawigan.

Sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Oktubre 15, ibinahagi ni Duterte ang ilang mga larawan ng kaniya umanong pag-akyat sa Osmeña Peak kamakailan bilang pagsuporta sa lokal na turismo.

“Nakasama ko ang ating mga kababayan sa isang kakaibang adventure — ang '2 peaks in one day' hiking challenge,” ani Duterte.

Inihayag din ng bise presidente kung paano nila inakyat ang Osmeña Peak, na ipinangalan kay dating Pangulong Sergio Osmeña Sr. dahil sa personal umano nitong inakyat ang bundok nang bumisita sa Dalaguete.

Metro

Baggage handling system sa NAIA 3, bumigay; nagdulot ng aberya sa mga pasahero

“Ang pag-akyat ay may haba ng 45 minuto sa isang mabato, ngunit kakaibang daan. Mahalagang magsuot ng tamang sapatos o tsinelas para sa ganitong paglalakbay,” ani Duterte.

“Sa aming pag-akyat, nakita namin ang isang anthurium farm at iba't ibang taniman ng sariwang gulay. Ngunit, ang tunay na gantimpala ay ang makita ang hindi maipapantayang tanawin sa tuktok — ang mga mala-Chocolate Hills na mga bundok sa paligid at ang kabuuan ng isla ng Cebu,” dagdag pa niya.

Samantala, kinuwento rin ng bise presidente ang naging bonding umano nila ng kaniyang tour guide.

“Nagbiro ako sa aming lokal na gabay na si Joy na sana sa susunod, magkaroon kami ng sarili naming tuktok, ang 'Sara Joy Peak,' para sa mga nais sumubok ng '3 peaks in one day' sa kanilang susunod na pag-akyat,” aniya.

Pagkatapos nito, ibinahagi ni Duterte ang kahalagahan ng patuloy na pagsuporta sa lokal na turismo ng bansa.

“Ang bawat hakbang sa pag-akyat ay hakbang din natin patungo sa mas matatag at mas maunlad na komunidad at bansa,” saad ni Duterte.

Kaugnay nito, sa isang Facebook post ay malugod ding nagbahagi ang miyembro ng Dalaguete Municipality Team na si Virgie Apostol Castillano ng mga larawan kasama ang bise presidente sa Lugsangan "Casino" Peak.

“Our dearest Vice President@Deped Secretary,,Inday Sarah Duterte Carpio,,,,in behalf of our whole Dalaguete Municipality Team,,i would like to extend my heartfelt gratitude in visiting our Lugsangan "Casino" Peak ,” mensahe ni Castillano kay Duterte.