Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng Northern Luzon dahil sa northeasterly surface windflow, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Oktubre 14.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Aldczar Aurelio na lumabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) kaninang 2:00 ng madaling araw.

Wala na rin umanong direktang epekto ang naturang LPA sa alinmang bahagi ng bansa.

“Ang nakakaapekto ngayon sa ating bansa, itong northeasterly surface windflow sa bandang Northern Luzon,” ani Aurelio.

Mga klase, pasok sa tanggapan ng gobyerno suspendido sa Oktubre 31

“Bukod dito, wala na po tayong inaasahan o namo-monitor na panibagong mga low pressure area o bagyo na maaaring pumasok sa ating Philippine area of responsibility,” saad pa niya.

Pagdating sa magiging epekto ng panahon sa loob ng 24 oras, inihayag ng PAGASA na inaasahang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains ang Batanes, Cagayan, Isabela, Apayao, at Abra bunsod ng northeasterly surface windflow.

Wala namang inaasahang epekto ang naturang mga pag-ulan sa nasabing lugar, ayon sa PAGASA.

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng northeasterly surface windflow o ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.