Cash aid, ipinamahagi sa 'Egay' victims Occidental Mindoro
Inayudahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes ang mga naapektuhan ng bagyong Egay sa Sablayan, Occidental Mindoro kamakailan.
Pinangunahan ng DSWD Field Office (Region 4B) ang Emergency Cash Transfer (ECT) payout sa mga apektadong pamilya sa Barangay Buenavista, Sablayan, Occidental Mindoro.
Nasa 210 pamilya ang nabigyan ng tulong pinansyal na may kabuuang halaga na ₱1,731,660.00.
Sinabi pa ng ahensya, ang nasabing cash assistance ay gagamitin ng mga apektadong pamilya sa pagbangon sa epekto ng kalamidad.
Matatandaang hinagupit ng bagyong Egay ang nasabing lugar nitong Hulyo 2023 kaya't isinailalim sa state of calamity ang Sablayan.