Inamin ni Kapuso Star at tinaguriang "Asia's Multimedia Star" na si Alden Richards na nagulat siya sa rebelasyon ng Kapuso actress na si Mikee Quintos tungkol sa feelings nito noon sa kaniya.

Sa panayam ni Mikee sa "Fast Talk With Boy Abunda" noong Oktubre 2, 2023, inamin ni Mikee na nagkagusto siya kay Alden at umasa siyang magkakaroon sila ng "something" subalit hindi naman nangyari.

"Nakilala ko ‘yung pagkatao niya. Na sweet siya, na mabait siya, kung gaano ka-genuine, sobrang God-fearing. And I just had to try to express. Whatever I was feeling I couldn’t explain it. So I did express. But it wasn’t reciprocated,” kuwento pa ng aktres.

Sa kasalukuyan, ang jowa ni Mikee ay si Kapuso actor Paul Salas.

National

FPRRD, posibleng kasuhan ng 'obstruction of justice' dahil kay Quiboloy

Ayon naman kay Alden nang mauntag siya ni Boy sa guesting niya kamakailan, wala raw siyang ideya tungkol dito, taliwas sa sinabi ni Mikee na tinangka nitong i-express ang kaniyang nararamdaman noon.

“Ngayon ko lang po siya narinig. Actually, nagulat po ako but Mikee and I were very close during the tapings po," ani Alden.

Nagkasama ang dalawa sa serye ng GMA Network na "The Gift" noong 2019.

“But siguro po, parang I don’t know, ako po ang understanding ko is at the context of friendship," giit pa ng aktor na bibida sa pelikulang "Five Breakups and a Romance" katambal ang Kapamilya Star na si Julia Montes.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Mikee hinggil sa naging reaksiyon naman ni Alden sa kaniyang naging rebelasyon.

MAKI-BALITA: Mikee Quintos, umasa kay Alden Richards