Nananawagan si Senador Grace Poe sa Department of Transportation na suspindihin ang pagpapatupad ng PUV Modernization Program (PUVMP) dahil sa umano’y korapsyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni Poe, chairperson ng Senate Public Services Committee, na dapat suspindihin ang PUVMP hangga’t hindi nareresolba ang lahat ng isyu kaugnay rito.
“We want to modernize our PUVs, but it should be one that is progressive, just and humane. Hindi na nga makausad nang maayos ang PUVMP dahil sa iba't ibang isyu, nabahiran pa ng korapsyon,” anang senador nitong Martes, Oktubre 10.
“Kung totoo ang alegasyon, hindi ito makatarungan sa ating mga drayber na nawalan ng kabuhayan dahil pinaboran pala ang mga naglalagay. Erring officials must be held accountable for bungling a very critical program of the transport sector,” dagdag pa ni Poe.
Umaasa siya na habang iniimbestigahan ang mga sangkot sa umano’y katiwalian ay inaayos din ang modernization program na magpapabuti umano sa kabuhayan ng mga drayber at magbibigay nang maayos na serbisyo sa mga komyuter.
Matatandaang nitong Lunes, iniutos ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon tungkol sa umano’y panunuhol para lamang makakuha ng prangkisa para sa mga pampublikong sasakyan sa LTFRB.
Ipinag-utos naman ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsuspinde kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III dahil sa umano’y korapsyon sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Nangyari ang suspensyong ito matapos akusahan ng katiwalian ni Jeff Gallos Tumbado, dating executive assistant ni Guadiz, ang LTFRB chairman sa isang press conference na idinaos ng transport group ng Manibela noong Lunes.