Laugh trip ang hatid ng mash-up ni Unkabogable Star Vice Ganda nang walang ano-ano'y kantahin niya ang "Narda," awiting pinasikat ng bandang Kamikazee, nang maimbitahan siya sa Kasanggayahan Festival sa Sorsogon.
Ayon sa video na ibinahagi ng Sorsogon News, una munang sinabi ni Vice Ganda na ang kakantahin niya ay awitin ni Taylor Swift.
"Kumanta tayo ng mga awitin ng mga taong hindi muna makakapunta rito, okay, so here's something for you," ani Vice.
Sa umpisa ay inawit ni Vice ang ilang bahagi ng awitin ni Taylor Swift na "Love Story" subalit maya-maya, idinugtong na niya ang lyrics ng Narda.
"Sabi ko sa inyo kakanta tayo ng mga awitin ng mga taong baka hindi muna makapunta dito," sey ni Vice.
"At kausap ko si Gov. Si Gov ang mismo nag-request n'yan. Sabi ni Gov, 'Kantahin mo naman o.' Kahit kalahati, kahit hindi ko masyadong alam ang kanta, pinagbigyan ko na din. I love you, Gov!" dagdag pa ni Vice.
Sa kaniyang Facebook post naman ay nagpasalamat si Vice Ganda sa Sorsogon.
"Zenkyooow so much Madlang People in Sorsogon sa pakikipag-GV with me!!!! Chugug na chugug ang experience!!!!!!!!!!!!!," aniya sa caption.
Matatandaang nagpahayag ng pagkadismaya si Sorsogon Governor Edwin “Boboy” Hamor sa bandang naimbitahan, sa ginanap na kapistahan noong Oktubre 1.
Sa ulat ng GMA News, malinaw na ipinahayag ni Public Information Officer of Sorsogon Dan Mendoza na nagalit umano ang gobernador sa pagtanggi ng banda na magpa-picture sa “16,000 blue roses” na tourist attraction ng lugar.
Pumayag umano noong una ang Kamikazee pero hindi naman daw sumipot noong oras na ng pictorial.
“Inuulit ko, hindi tayo pwede bastusin…Pinipilit ko, pinipilit ko na itaas ang dignidad ng bawat Sorsoganon,” pahayag pa ng gobernador.
Dagdag pa niya, hindi na raw makakabalik pa sa Sorsogon ang Kamikazee dahil marami naman umanong banda na handang magpasaya sa kaniyang mga nasasakupan.
Bilang pakonsuwelo, sinabi niya sa mga tao na pasasayahin sila ni “Unkabogable Star” Vice Ganda at dadalhin pa sa lugar nila si “Popstar Royalty” Sarah Geronimo.
Sa huli, humingi siya ng paumanhin sa lahat ng mga taong dumalo sa pagtitipon.
Sa kaniyang Instagram posts naman, ibinahagi ni Jay Contreras, lead vocalist ng Kamikazee, ang tatlong larawan niya na naka-black and white na may caption na "Choose/I Choose Love."
MAKI-BALITA: Gobernador, dismayado: Kamikazee, ‘pinalayas’ sa Sorsogon
MAKI-BALITA: Matapos mapalayas Kamikazee sa Sorsogon: Jay Contreras, may cryptic posts