Nang-hostage ng paslit ang isang lalaki sa Pasig City nitong Huwebes ng madaling araw.

Ito’y matapos na mapagkamalang magnanakaw at habulin umano ng mga residente ng lungsod.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Kusang-loob din namang sumuko sa mga otoridad ang suspek, na kinilala lang sa pangalang 'Luigi,' 34, residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City, matapos ang mapayapang pakikipag-negosasyon sa mga pulis.

Samantala, ligtas namang nasagip ng mga otoridad ang 5-taong gulang na batang lalaki, na residente rin ng naturang lugar.

Base sa report ng Special Weapon and Tactics (SWAT) na nakarating kay Pasig City Police chief PCOL Celerino Sacro Jr., lumilitaw na dakong alas-3:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Block 22, Batok St., Eusebio Avenue, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Nauna rito, hinabol umano ng mga residente sa lugar ang suspek matapos na akusahang magnanakaw.

Dahil dito, pinasok ng suspek, na armado ng isang bread knife, ang bahay ng biktima at hinostage ang paslit.

Sa paggabay ni Sacro, kaagad na rumesponde ang SWAT team sa lugar, sa pangunguna ni PCPT Melvin Balbag, kasama ang mga tauhan ng Pinagbuhatan Police Sub-Station 5, na pinamumunuan naman ni PCpl Gilbert Casis, at nakipag-negosasyon sa suspek.

Nahikayat naman ng mga pulis ang suspek na mapayapang sumuko at nasagip ng ligtas ang paslit.

Narekober mula sa suspek ang isang bread knife na may habang 7.5 pulgada.

Nakapiit na ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.

Samantala, pinuri naman ni Sacro ang mga tauhan dahil sa mabilis na pagresponde sa insidente, na nagresulta sa mapayapang pagkaresolba nito