China, talo sa Gilas Pilipinas
China, talo sa Gilas Pilipinas
Matapos ang 33 taon, pumasok na muli ang Gilas Pilipinas sa Asian Games gold medal match matapos sipain ang powerhouse na China, 77-76, sa 19th Asian Games sa Hangzhou nitong Miyerkules ng gabi.
Makakalaban ng National team ang Jordan sa finals habang mag-aagawan naman sa bronze medal ang China at Chinese Taipei.
Nasa 13 ang bentahe ng China, 48-30, matapos ang first half matapos ang pinakawalang 29 points.
Gayunman, biglang nagbago ang sitwasyon sa pagpasok ng third quarter matapos rumatsada ng 13 ang Gilas sa pangunguna ni Justin Brownlee laban sa pito ng China.
Nagtuloy-tuloy ang solidong performance ni Brownlee hanggang last quarter, tampok ang tatlong tres nito, bukod pa ang buslo ni Kevin Alas, kaya naging apat na lang ang bentahe ng China, 67-71.
Naging walo pa ang kalamangan ng China, 75-67, kasunod ng basket nina Du Runwang at Hu Jinqui, mahigit tatlong minuto na lamang sa orasan.
Paubos na ang oras nang pumasok pa ang tres ni Brownlee na nagbigay sa kanila ng bentahe, 77-76, hanggang sa maiuwi nila ang panalo.
Kumubra ng 33 points si Brownlee, bukod pa ang limang rebounds at apat na assists.