CALAUAG, Quezon — Tinaga umano ng isang babae ang kaniyang kainumang lalaki matapos ang kanilang pagtatalo sa Barangay Sumilang ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rene Boy Llano, binata, residente ng nasabing lugar, at ang suspek na si Edna Monteclaro, may asawa, residente ng Barangay Pinagkamaligan.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Lumalabas sa imbestigasyon na bandang alas-8 ng gabi noong Huwebes, Setyembre 28, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at biktima habang nag-iinuman.

Nang matapos ang inuman, umalis ang biktima ngunit sinundan umano ito ng suspek. At pagdating sa madilim na parte ng lugar, tinaga ni Monteclaro si Llano sa leeg na naging sanhi na agaran niyang pagkamatay.

Naaresto ang suspek ng rumespondeng pulis at sinabi nitong kasama niya ang anak na lalaki nang mangyari ang insidente.

Mahaharap sa reklamong pagpatay ang suspek.