Inamin ng aktor na si Baron Geisler na wala umanong mabuting alaala sa mga nakaraang ABS-CBN Ball nang kapanayamin siya ng “Philippine Entertainment Portal” o PEP noong Miyerkules, Setyembre 27.

Tinanong kasi ang aktor kung alin sa mga nakaraang ABS-CBN Ball ang pinakamemorable para sa kaniya. 

“To tell you the truth, wala pong good memories before. Wala po talaga. I was always drunk because I was an insecure person. Bago pa man mag-start ng inuman, I would be drinking 5 hours. 5 to 7 hours,” kuwento ni Baron.

Kaya naman sa ABS-CBN Ball 2023, sa halip na uminom, makikipag-ugnayan na lang umano siya sa kaniyang mga kapuwa bisita. Makikipagkilala at makikipagkaibigan sa mga bagong artista.

“Kasi maliit ang mundo. I would want to work…keep working with these new actors. And even the ones I know already. Kasi I’m here to work…And I’m there to enjoy also…I don’t need alcohol to enjoy the ball,” sabi pa niya.

Baron Geisler, makakadalo na ulit sa ‘ABS-CBN Ball’ matapos ma-ban

Matatandaang kamakailan lang ay kinumpirma na ni Baron ang kaniyang pagdalo para sa nasabing pagtitipon matapos ma-ban nang ilang taon.