Inamin ng komedyante at TV host na si Super Tekla sa segment ng “The Boobay and Tekla Show” nitong Linggo, Setyembre 17, ang ginawa niya umanong kalokohan sa isang taxi driver.

Kasamang sumalang nina Tekla at Boobay ang tatlong “Divas of the Queendom” na sina Rita Daniela, Jessica Villarubin, at Thea Astley sa segment na “What Da Fact” ng nasabing show.

Ang gagawin, may babasahing interesting facts ang dalawang host at huhulaan nila kung sino sa kanilang lima ang tinutukoy n’on. Kailangang magkunwari ng participant kung sakaling ang interesting facts niya ang mabasa.

“Kasi ‘pag hindi ka nagkunwari, tatampalin ka namin,” biro pa ni Boobay.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

At sa Fact No. 3, tinukoy ang isa umanong hindi nagbayad sa taxi kaya naghintay at pumara ng iba. Pero ang taxi rin palang tinakbuhan niya ang napara niya.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng isang sagot ang lahat ng participant. Para sa kanila, si Tekla ang tinutukoy sa Fact No. 3. Si Tekla lang ang naiiba ang sagot. Si Jessica ang pinili niya.

At hindi nga nagkamali ang apat. Si Tekla ang tinutukoy na hindi nagbayad sa taxi.

Dumepensa naman si Tekla at nagpaliwanag. May binubutingting daw kasi si Manong Drayber sa metro ng taxi para tumaas ang pasahe niya from Parañaque to Quezon City. Kadalasan naman, ₱200 lang ang binabayad niya. Pero noong sandaling ‘yon, ₱600 na agad ang babayaran niya maski nasa Quezon Avenue pa lang sila.

“Kaya ang ginawa ko, a, dinadayaan mo ako, ha. Dadayaan din kita,” sabi ni Tekla.

Kaya pagdating niya umano sa isang comedy bar, nagkunwari siyang kukuha lang ng pambayad. Pero umexit din siya pagkatapos para takasan ang driver. Pumara siya ng ibang taxi.

Ang kaso, iyon din palang nasakyan niya kanina ang napara niya. Ibinalik daw siya ng driver sa comedy bar na pinasukan niya at ipinahiya.

Nang tanungin siya ni Boobay kung isang beses niya lang ba ginawa ‘yon, hindi raw.

“Not once,” sabi niya sabay tawa.

Matatandaang noon namang 2021 ay ibinahagi ni Tekla ang hindi niya makakalimutan karanasan nang minsan siyang mapagkamalang shoplifter sa isang convenience store.

MAKI-BALITA: Super Tekla, napagkamalang shoplifter?