Binanatan ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang pananatili ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa loob ng Senado dahil sa bantang pagtugis sa kaniya ng mga awtoridad.
Matatandaang naging mainit ang tensyon sa Senado noong Lunes, Mayo 11, 2026, nang magawang takbuhan ni Dela Rosa ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos siyang habulin ng mga ito sa pagdalo niya sa kanilang sesyon.
Sa pagdating ni Dela Rosa sa plenaryo, emosyonal niyang ibinahagi sa media na hinarang umano siya upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado.
KAUGNAY NA BALITA: 'Hinarang ako!' Sen. Bato, galit na sumulpot sa Senado
Ayon naman sa naging pahayag ni De Lima sa panayam sa kaniya ng media nitong Martes, Mayo 12, mariin niyang sinabing nakakalungkot daw dahil ginagawang “sanctuary” ang Senado.
“Ang nakakalungkot is ginagamit ngayon ang Senado as a sanctuary for a refugee,” pagsisimula niya.
Paliwanag niya, “Dahil ‘yong sinasabing protective custody ng Senado ay ‘yong magbibigay ng proteksyon sa mga kung anong circumstances that is merely a tradition.”
Ani De Lima, hindi raw nasasaad sa Saligang Batas na dapat bigyan ng santuwaryo ang mga inaarestong miyembro ng Kongreso.
“Wala po sa Saligang Batas na sinasabi na kapag ang isang miyembro ng Kongreso, whether sa House or sa Senado at inaaresto ay dapat protektahan o bigyan ng refugee o sanctuary,” aniya.
Dagdag pa niya, “Wala po ‘yan sa batas at sa Konstitusyon.”
Paglilinaw pa ni De Lima, gumagana lang daw ang parliamentary immunity o bawal damputin ang isang miyembro ng Kongreso kapag may kasalukuyang nagaganap na sesyon.
“Tungkol naman sa parliamentary immunity, yes, there is such a thing. Parliamentary privilege from arrest if Congress is in session,” saad niya.
Pagtatapos pa niya, “But applicable only ‘yong ipapataw na parusa, ‘yung imposable penalty is less than six years. Clear ‘yong crimes against humanity na ito ay punishable by reclusion perpetua.”
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa rin nakakalabas ng Senado si Dela Rosa habang nakamata pa rin sa kaniya ang mga opisyal ng NBI.
KAUGNAY NA BALITA: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
KAUGNAY NA BALITA: Pagsisilbi ng ICC arrest warrant vs. Dela Rosa, ‘di totoo!—PNP