May 21, 2026

Home BALITA Politics

Bilang abogado: Castro, nagkomento sa posibleng pag-aresto kay Sen. Dela Rosa

Bilang abogado: Castro, nagkomento sa posibleng pag-aresto kay Sen. Dela Rosa
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Inihayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang kaniyang sentimyento patungkol sa usaping arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at ang pag-aresto dito para sa kasong crimes against humanity.

Sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Martes, Mayo 12, inilahad niya ang kaniyang mga punto ukol dito bilang abogado, at hindi bilang press officer.

“Not as a Palace press officer, as a lawyer. Mayroon po kasi tayong batas na [Republic Act] RA 9851; at ito naman po ay pinatototohanan din ng [Department of Justice] DOJ, na mayroon po tayong dalawang choices: it’s either surrender or extradition,” saad ni Castro.

Aniya, “Ang Supreme Court po ay nagpalabas ng Supreme Court circular regarding extradition but it refers only to a requesting state—and we can say that ICC is not a state. So, hindi po siya applicable na pag-usapan.”

“So, sa ngayon po ang umiiral po sa atin at ipinapatupad po ay ang RA 9851,” dagdag pa niya.

Natanong din ang press officer hinggil naman sa magiging aksyon ng pamahalaan kaugnay sa nasabing isyu.

“Again, sasabihin ko po, ano ba ang umiiral na batas sa atin? Hindi po tayo miyembro ng ICC, ang umiiral po na batas sa atin ay ang RA 9851,” anang press officer.

“At ‘yon po ang ipapatupad sa anumang pagkakataon dahil ito naman pong RA 9851 ay nagamit na rin po ng Supreme Court sa ibang mga kaso,” giit pa ni Castro.

Samantala, sa parehong press briefing, tahasang sinabi ni Castro na hindi makikialam ang Palasyo sa mga nangyayaring kaganapan sa loob ng Senado—partikular na ang pagpapalit ng liderato at impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

“Well, everything that happens in the Senate is…it is within their power; it is within their authority to decide on all matters within the Senate,” anang Castro.

MAKI-BALITA: 'It is within their power!' Palasyo, 'di panghihimasukan mga nangyayari sa Senado-Balita

Republic Act 9851

Ang RA 9851 ay kilala rin sa katawagang "Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.”

Ito ang umiiral na batas na sinusunod ng bansa pagdating sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity—na siyang kinahaharap ngayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa madugong war on drugs.