Lumikas ang ilang residente ng Calayan, Cagayan kasunod ng pagtama ng magnitude 6.4 na lindol sa lugar nitong Martes ng gabi.

Sa Facebook post ng Cagayan Provincial Information Office, ang mga evacuee ay pansamantalang nanatili sa mga evuacation center at sa labas ng kani-kanilang bahay dahil sa pangambang magkaroon muli ng malakas na pagyanig.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kaugnay nito, nasaktan naman sa pagyanig ang magkapatid na menor de edad matapos madaganan ng gumuhong pader ng kanilang bahay sa Centro 2.

Kaagad silang isinugod sa ospital, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Calayan.

Kanselado naman ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Calayan ngayong Miyerkules, Setyembre 13, 2023.

Katwiran ni Calayan Mayor Jong Llopis, iinspeksyunin nila ang mga paaralan sa lugar matapos makitaan ng malalaking bitak sa pader ang ilang gusali ng Calayan High School main.