Kumubra na ng napanalunang ₱61 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang isang kasambahay mula sa Las Piñas City.
Sa anunsiyo ng PCSO, nabatid na nagtungo na sa kanilang punong tanggapan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City ang 47-anyos na lotto winner, kasama ang kanyang mister, upang kubrahin ang napanalunang ₱61,234,178.20.
Ayon sa PCSO, matagumpay na nahulaan ng lotto winner ang six-digit winning combination na 18-25-12-14-13-22 ng Lotto 6/42 na binola noong Hulyo 1, 2023 kaya’t napanalunan nito ang naturang halaga.
Nabatid na ang mga naturang numero ay pawang araw ng kapanganakan nilang mag-anak at may 20-taon na umano niya itong tinatayaan sa lotto.
“Almost 20 years ko na pong tinatayaan yung mga birthdays namin mag-anak at buti naman sa awa ng Diyos ay nanalo din po kami,” masayang kwento pa ng lotto winner.
Aniya pa, “Makakaraos na kami sa hirap!”
Plano umano niyang gamitin ang perang napanalunan upang makapagpatayo ng sariling bahay at magsimula ng apartment renting business.
Maglalaan din umano siya ng sapat na pera para sa kinabukasan ng kanilang mga anak.
“Mahirap pong maging mahirap, kaya ang payo kong nanggaling sa hirap, patuloy lang po sa pag-abot ng inyong mga pangarap at huwag niyo po itong susukuan at kapag ito po ay inyong nakamtan ay inyo po itong paka-ingatan dahil minsan lang po kakatok ang swerte sa ating buhay,” aniya pa.
Kaugnay nito, muli namang hinikayat ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa.
Ayon kay Robles, ang 30% ng benta sa kanilang mga palaro ay napupunta sa kawanggawa.
Alinsunod sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang lahat ng premyong lampas sa P10,000 ay papatawan ng 20% buwis.