May 29, 2026

Home BALITA National

Mga kasong kinasasangkutan ng mayorya, bumilis nang magpalit ng liderato—Sen. Estrada

Mga kasong kinasasangkutan ng mayorya, bumilis nang magpalit ng liderato—Sen. Estrada
Courtesy: Jinggoy Estrada/FB

Sa isang pahayag na ibinihagi ni Senador Jinggoy Estrada, sinabi niyang mas naging mabilis ang pag-usad ng mga kasong kinasasangkutan ng ilang senador sa ilalim ng majority bloc mula nang magpalit ang liderato ng Senado.

Matatandaang noong Mayo 11 nang palitan ni Senador Alan Peter Cayetano si Senador  Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President. 

Kaugnay sa kaso ni Estrada, walang inirerekomendang piyansa ang Ombudsman sa senador sa paghain ng plunder and graft charges sa Sandiganbayan, na may kaugnayan sa flood control scam. 

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, umaabot sa ₱573 milyong kickback ang ipinadala kay Estrada.

Maki-Balita: Ombudsman, 'no bail' para kay Sen. Estrada dahil sa umano'y ₱573M kickback sa flood control

National

Tropical Storm 'Jangmi,' papasok ng PAR anumang oras!

Samantala, sa isang pahayag, sinabi ni Estrada na inihahanda ng kaniyang mga abogado ang mga kaukulang hakbang "upang mapakita ang mga iregularidad sa naging proseso, gayundin ang mga ebidensyang hindi nabigyan ng sapat na timbang at konsiderasyon."

Dagdag pa niya, "Kabilang dito ang Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) letter na nagsasaad na walang anumang record na ako ay nagpasok ng anumang insertion sa 2025 national budget. Isa itong mahalagang ebidensya na tahasang pinapabulaanan ang lahat ng alegasyon laban sa akin, subalit sadyang isinantabi."

Iginiit din ng senador na hindi umano siya nabigyan ng pagkakataong makita at mapag-aralan ang mga resolusyon ng Department of Justice (DOJ) at Ombudsman.

"Bukod dito, hindi ako nabigyan ng pagkakataong makita at mapag-aralan nang maayos ang mga resolusyon ng Department of Justice (DOJ) at Ombudsman upang makapaghain ng kaukulang paliwanag o Motion for Reconsideration bago isinampa ang kaso sa Sandiganbayan. Ang ganitong labis at hindi makatuwirang proseso ay may seryosong implikasyon sa aking right to due process," anang senador.

Kaugnay nito, sinabi niya ring naging mabilis ang pag-usad ng mga kasong kinasasangkutan ng ilan sa majority bloc. Matatandaang bukod sa kaniya, nauna na ring naiulat na inihahanda na ang kaso laban kina Sen. Chiz Escudero, Sen. Joel Villanueva, at Senador Rodante Marcoleta.

"Kapansin-pansin din na, mula nang magpalit ng liderato sa Senado, naging mabilis ang pag-usad ng mga kasong kinasasangkutan ng ilang miyembro ng majority bloc," saad ni Estrada.

"Barely a week after the DOJ issued its Resolution in my case, agad nagsampa ng kaso ang Ombudsman nang hindi nagsasagawa ng sarili nitong masusi at independent fact-finding investigation. Sa ilalim ng umiiral na proseso, mahalagang bahagi ang fact-finding investigation bago magsampa ng kaso sa Sandiganbayan," dagdag pa niya. "Ito ay sa kabila ng naunang pahayag ng Ombudsman na magkakaroon ng 'independent review and resolution on the merits of the case.' Batay sa mga pangyayari, malinaw na kailangang suriin kung naisakatuparan nga ang pahayag na ito."

Sa huli, sinabi ni Estrada na ipagpapatuloy niya ang paghahanap ng katotohanan. at ipagtatanggol ang kaniyang pangalan sa tamang forum at alinsunod sa batas.