Nag-landfall na ang bagyong Hanna sa Taitung County sa Taiwan nitong Linggo ng hapon, Setyembre 3, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyong Hanna 245 kilometro ang layo mula sa North Northwest ng Itbayat, Batanes, na may maximum sustained winds na 155 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 255 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-west northwest sa bilis na 20 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas sa Signal No. 1 ang Batanes at Babuyan Islands.
“Minimal to minor impacts from strong winds are also possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” anang PAGASA.
Pinalalakas din umano ng bagyong Hanna ang southwest monsoon o habagat na magdudulot naman ng mga pag-ulan sa western portion ng Luzon at Antique sa susunod na tatlong araw.
Inihayag din ng PAGASA na patuloy na maghahatid ang habagat ng gusty conditions sa Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Zambales, Pampanga, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at northern portion ng Eastern Visayas ngayong Linggo.
Inaasahan naman umanong lalabas ng PAR ang bagyo ngayong Linggo ng gabi o pagsapit ng Lunes ng madaling araw, Setyembre 4.