“Para daw engage na kami.”

Kinaaliwan sa social media ang post ni Aldo Albano, 34, mula sa Makati City tampok ang kaniyang long-time girlfriend na bumili na umano ng sariling engagement ring para maikasal na silang dalawa.

“Gf ko na bumili ng sarili nyang engagement ring 1 carat. White gold. Para daw engage na kami. Siya na nag-decide siya naman may hawak ng pera ko e. Sabihan niya na lang kako ako pag ready na kasal namin para susulpot na lang ako. Paki sabihan nalang kako ako 2months before para naman makapag ayos at hindi mag mukhang bonjing,” kwelang caption ni Albano sa kaniyang Facebook post

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Albano na limang taon na silang magkasintahan ng kaniyang girlfriend at matagal na rin daw talaga nilang napag-uusapan ang pagpapakasal.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

Ngunit dahil nagkaroon ng pandemya at naging abala rin sila sa trabaho, na-hold umano ang kanilang plano.

“Sabi ko ayusin na namin since medyo maluwag na kahit pa paano ang schedule namin, hindi ko naman inexpect na engagement ring pala una. Pero kunsabagay engagement ring nga muna bago ang kasal,” natatawang kuwento ni Albano. 

“We are also mindful sa mga gastos namin so either we need it or she needs it or matagal namin nagagamit ang isang bagay,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Albano, ang kaniyang kasintahan na rin daw ang nagha-handle ng kaniyang finances dahil ito ang mas masinop sa pera.

“Mahirap lang mag surprise since sa kaniya ang pera ko,” kwelang saad din ni Albano.

Dahil sa bumili na raw ng engagement ring ang kaniyang girlfriend, tuloy na tuloy na raw ang kanilang kasal.

“Wala pang proposal. But she already has the ring kaya engaged na. Wedding very soon na,” ani Albano.

Marami naman ang naaliw sa nasabing post ni Albano. Sa ngayon ay umabot na ito sa mahigit 26,000 reactions, 3,300 comments, at 7,700 shares.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!