Pahihintulutan pa rin ng Department of Education (DepEd) ang paglalagay ng mga Christmas decorations sa mga silid-aralan ng mga public schools.
Ito ang tiniyak ni DepEd Spokesman at Undersecretary Michael Wesley Poa kahapon, sa kabila ng 'no decoration policy' na una nang inilabas ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.
Ayon kay Poa, wala silang nakikitang problema kung maglalagay ng Christmas decorations sa mga silid-aralan dahil pansamantala lamang naman ang mga ito.
Nagpaalala na lamang si Poa na kailangang simple lamang ang gawing dekorasyon at hindi ito dapat na gawing permanente.
"Wala naman po 'yun problema kasi hindi naman po 'yun permanent. Of course, they can decorate their classrooms," ani Poa, sa panayam sa radyo. "Pwede silang mag decorate as long as simple lang. Ang ayaw lang po natin talaga permanently nasa walls."
Una nang ipinag-utos ni Duterte ang 'no decoration policy' sa mga silid-aralan upang makapagpokus ang mga estudyante sa kanilang aralin.
Maki-Balita: Gurong nagbabaklas ng palamuti sa classroom, umani ng reaksiyon