5,000 non-teaching positions inaprubahan ng DBM
Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng 5,000 non-teaching positions sa iba't ibang paaralan sa buong bansa upang sumuporta sa pagtuturo ng mga guro.
"Under the leadership of our Vice President and concurrent Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte, nag-release po ang DepEd ng roadmap— the MATATAG Agenda. Makikita doon pati ang mga kailangang tugunan natin in terms of buildings, teachers, facilities, etc. Nakalatag po lahat sa kanilang roadmap. So, we just want to be consistent with that," ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.
Ang 5,000 items ay binubuo ng 3,500 Administrative Officer (AO) II positions na na may layuning tanggalin sa mga guro ang administrative tasks.
Nasa 1,500 Project Development Officer (PDO) I positions naman ang tutulong sa mga AO II at iba pang non-teaching personnel sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad na pinangungunahan ng mga eskwelahan o mandato ng DepEd Central Office.
Makatatanggap ang mga nasa AO II at PDO I positions ng basic salary na nagkakahalagang ₱27,000 (SG-11) base sa Fourth Tranche Monthly Salary Schedule for Civilian Personnel of the National Government.
"Malaking tulong po ito sa ating mga guro na ma-unload sila sa mga administrative work at maka-focus sa pagtuturo sa mga estudyante. By hiring non-teaching staff, our educators will be able to save a lot of time and effort," ani Pangandaman.
Ang mga inaprubahang item ay ide-deploy sa mga School Division Offices (SDOs) sa mga sumusunod na rehiyon: Cordillera Administrative Region (CAR), CARAGA, National Capital Region (NCR), Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, at XII.
Ang kakailanganing pondo naman para sa mga filled positions mula sa mga binuong position items ay kukunin sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng FY 2023 General Appropriations Act (GAA), habang ang Retirement and Life Insurance Premium naman ay magmumula sa Automatic Appropriations.