Relief goods, nakahanda na! Cagayan, Signal No. 3 pa rin
Nakahanda na ang mga relief goods na ipamamahagi sa mga residente ng Cagayan na maaapektuhan ng bagyong Goring.
Ito ang tiniyak ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rose Mandac nitong Sabado.
Aniya, mayroong 4,500 na naka-pack na tig-limang kilo ng bigas, 800 family food packs sa warehouse sa Kapitolyo ng Cagayan at dagdag na 500 na sako ng bigas na may tig-50kilos sa warehouse naman sa Sub Capitol, Bangag, Lal-lo.
Bukod pa aniya ito sa relief goods na donasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), Chinese consulate, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Rueli Rapsing na naka-standby na ang kanilang mga responder, katuwang ang Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) at mga rescue equipment na gagamitin kung kinakailangan.
Idinagdag din nito na activated na rin ang kanilang Incident Management Team (IMT) at posible ring magpakalat ng mga augmentation team, partikular sa coastal areas sa Linggo, Agosto 27.
Nagsagawa na rin ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.
Sa abiso naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa Signal No.3 pa rin ang Cagayan, partikular na ang Santa Ana, at eastern portion ng Isabela (Divilacan at Palanan).
Huling namataan ang bagyo sa silangan ng Aparri, Cagayan.