Matapos ang media conference ng "A Very Good Girl" ay nakorner ng press si Kapamilya superstar Kathryn Bernardo upang tanungin pa sa iba't ibang bagay, lalo na sa kaniyang love life.
Alam naman ng lahat na going strong ang relasyon nila ng boyfriend na si Kapamilya heartthrob Daniel Padilla, na may ginagawa na ring proyekto na hindi muna katambal si Kath.
Nausisa si "Katreng" kung napag-uusapan na ba nila ni DJ ang tungkol sa pagpapakasal.
Lumutang kasi ito sa kasal ng direktor na si Direk Cathy Garcia-Sampana (dating Molina) kung saan natanong si Daniel kung kailan naman niya ihaharap sa altar ang girlfriend.
Si Kathryn kasi ang nakasalo sa inihagis na bouquet of flowers ni Direk Cathy. Sa paniniwala, ang single lady na makasasalo nito ay siyang next in line na ikakasal.
Sa kumakalat na video mula sa kasal, kinantiyawan ng lahat si Daniel.
"Dj, nakuha, pa'no ba 'yan? DJ!" sigaw ng isang lalaki, na ipinagpapalagay na si Jeffrey o si Joross.
"Bukas na bukas din," biro ni DJ, na nangangahulugang handa niyang pakasalan si Kath anytime.
"Dito na rin set-up natin," dagdag na hirit pa ni DJ.
Going back kay Kath, sabi niya, tila matagal pang mangyayari ang "level-up" sa kanilang relasyon ni DJ.
"Matagal pa ate, nandito kami sa estado ni DJ na kailangan naming magtrabaho, especially may bahay na ipinapagawa, ang daming gastos, alam din namin sa sarili namin na hindi pa, hindi pa time, at open kami about it," sagot ng aktres.
Biro pa ni Kathryn, kunin na lang muna siyang bridesmaid, pero ang pagiging bride mismo ay wala pa sa plano nila ni Daniel.
Napag-uusapan naman daw ba nila ang tungkol sa kasal?
"Yes of course, but he respects my timing din, alam ko rin na hindi pa ako ready, importante masaya kayo ngayon..." pahayag pa ni Kathryn.
Labing-isang taon nang magkarelasyon sina Kathryn at Daniel na nagsimula nang magkakilala at magtambal sila sa 2011 teen series "Growing Up" sa ABS-CBN.
Opisyal na naging mag-jowa sila noong 2012.