Ex-DBM Usec Lao, 2 pa pinakakasuhan sa bilyun-bilyong halaga ng Covid-19 test kits
Inirekomenda na ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong graft laban kina dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM procurement group director Warren Rex Liong na ngayo'y Overall Deputy Ombudsman at iba pang mga opisyal kaugnay ng pagkakasangkot umano sa kuwestiyunableng pagbili ng Coronavirus disease 2019 (Covid-19) test kits noong 2020.
Bukod kina Lao at Liong, pinasasampahan din ng tatlong kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina PS-DBM Procurement Management Officer Paul Jasper de Guzman, at Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Huang Tzu Yen, at Justine Garado, pawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Tig-isang kasong graft naman ang inirekomendang isampa laban kina dating PS-DBM officials Christine Marie Suntay, Webster Laureñana, August Ylagan at Jasonmer Uayan, at Pharmally employee Krizle Mago.
Sa desisyon ng anti-graft agency, napatunayan ding guilty sa kasong administratibo at ipinasisibak sa serbisyo sina Lao, Liong, De Guzman, Laureñana, Ylagan, Uayan, at Suntay.
Kanselado na rin ang retirement benefits ng mga ito at pinagbawalan na rin silang magtrabaho sa pamahalaan.
Paliwanag ng Ombudsman, nagsabwatan ang mga nasabing opisyal ng DBM at Pharmally para sa pagbili ng 51,400 units ng RT-PCR test kits na nagkakahalaga ng ₱4.165 bilyon sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Matatandaang inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee noong Pebrero 2022 na kasuhan ng graft, corruption at plunder ang mga nasabing opisyal, kasama na si dating Health Secretary Francisco Duque III, dahil sa paglilipat ng ₱41 bilyon sa PS-DBM mula sa Covid-19 fund ng DOH.
Ang bahagi ng pondo ay ginamit ng PS-DBM para bumili ng medical supplies laban sa Covid-19 sa nasabing kumpanya.