Binabalak ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na bumuo ng POWERCOM na tututok sa mataas na singil sa kuryente at paulit-ulit na brownout sa Pilipinas.
Nakabatay umano ang modelo nito sa Congressional Commission on Education (EDCOM) na binubuo ng mga mambabatas, eksperto, akademya, at lider ng mga lokal na pamahalaan.
Sa Facebook livestream ni Cayetano noong Biyernes, Hulyo 24, kabilang sa mga tinalakay niya ay ang isyu ng kuryente na idinadaing ng maraming Pilipino.
Aniya, “Hindi po sustainable na may mga area na brownout nang brownout, may mga area naman na wala pa ring kuryente until now.”
“Hindi na rin sustainable ang ganitong kataas na kuryente. Tayo mismo ang pinakamahal ang kuryente sa ating region. Kapag ganito na kalaki ang problema, it has to be a whole-of-government and whole-of-community approach,” dugtong pa ng senador.
Matatandaang nagtaas ang Meralco ng residential rate mula ₱14.4833 per kWh noong Hunyo na naging ₱14.8261 ngayong Hulyo.
Kaya naman ayon sa senador, marami umanong nagugulat na ang dating ₱2,000 electricity bill nila ay umaabot ngayon ng ₱2,800.
Samantala, nanawagan naman si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa Kongreso para aksyunan ang isinusulong niyang House Resolution No. 995 upang talakayin ang usapin hinggil sa napakataas na singil ng kuryente.
Maki-Balita: Diokno, tinumbok usapin sa mataas na singil sa kuryente ng Meralco!