July 23, 2026

Home BALITA National

Diokno, tinumbok usapin sa mataas na singil sa kuryente ng Meralco!

Diokno, tinumbok usapin sa mataas na singil sa kuryente ng Meralco!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Inihayag sa publiko ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang paglapit umano sa kaniya ng ilang mga opisina dahil daw sa napakalaking penalties na ipinataw sa mga ito ng Manila Electric Company (Meralco). 

Ayon sa inilabas na pahayag ni Diokno sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Hulyo 14, 2026, inurirat niya kung nakaranas ba raw ang iba pa ng malaking singil sa kuryente dahil sa kaso ng jumper o tampering. 

“May mga lumalapit sa ating opisina dahil sa biglaan at napakalalaking penalties na ipinapataw sa kanila ng Meralco dahil daw sa nakitang jumper o tampering. May ganito rin ba kayong karanasan?” pagsisimula niya.

 

Screenshot mula sa FB post ni Diokno. 

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

Anang mambabatas, nanawagan daw siya sa Kongreso na aksyunan ang isinusulong niyang House Resolution No. 995 upang mahimay ang naturang isyu sa usapin ng napakataas na singil ng kuryente. 

“Nanawagan tayo sa Kongreso na aksyunan na sa mas lalong madaling panahon ang ating House Resolution No. 995 upang imbestigahan ang mabibigat at hindi malinaw na singil sa kuryente,” aniya. 

Diin ni Diokno, may karapatan daw ang bawat consumer na ipasuri ang kanilang metro sa Energy Regulatory Commission (ERC), alinsunod sa Article 9 ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers. 

Dahil dito, nanawagan din si Diokno sa ERC na siguraduhing matiyak na nasusunod nila ang naturang karapatan ng bawat consumer para sa interes ng publiko at hindi para sa malalaking kompanya ng kuryente sa bansa. 

“Nananawagan tayo sa ERC na tiyaking nasusunod ang karapatang ito. Mandato nilang protektahan ang publiko, hindi ang interes ng malalaking kompanya ng kuryente,” pagtatapos pa niya sa sarili niyang comment sa kaniyang post. 

Bukod pa rito, matatandaang nagsumite na rin si Sen. Risa Hontiveros noong Hulyo 13, 2026, ng resolusyon sa Senado upang masiyasat ang parehong isyu sa mataas na singil sa kuryente at makuwestiyon ang ERC sa mga polisiya nito sa pagprotekta ng karapatan ng mga consumer. 

KAUGNAY NA BALITA: Accountability, 'di dapat matapos kina Estrada, Revilla, Marcoleta, Defensor—Akbayan

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Chel, parang isang samurai sa debatehan—Llamas