July 06, 2026

Home BALITA National

Accountability, 'di dapat matapos kina Estrada, Revilla, Marcoleta, Defensor—Akbayan

Accountability, 'di dapat matapos kina Estrada, Revilla, Marcoleta, Defensor—Akbayan
Photo courtesy: MB, File Photo

Bumanat ang Akbayan Partylist na hindi raw dapat matapos kina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, at mga kasalukuyang senador na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta ang bilang ng mga indibidwal na mananagot sa korapsyon. 

Matapos ito ng naging pagtugis ng mga awtoridad nitong Lunes, Hulyo 6, 2026, kina Marcoleta, Defensor, at dalawa pang negosyante na sina Aristotle Baluyut Viray at Joseph Varias Espiritu na pawang campaign donors ng senador noong nakaraang midterm election.

Matatandaang kay Marcoleta na rin nanggaling sa isang live television interview sa kaniya noong Nobyembre 7, 2025, na nakatanggap daw siya ng donasyon mula sa kaibigan niyang sina Defensor at iba pa na aabot sa halagang ₱75 milyon nang tumatayo pa lang siyang SAGIP Partylist Representative bago siya tumakbong senador.

Dahil dito, dawit sina Defensor at iba pang mga nabanggit sa pagharap ni Marcoleta sa non-bailable plunder case at tatlong counts sa paglabag sa Presidential Decree No. 46 na nagbabawal sa pagtanggap ng isang opisyal ng mga regalo. 

KAUGNAY NA BALITA: Warrant of arrest, hold departure order, inilabas laban kay Sen. Marcoleta, at iba pa!

National

'Walang bise presidente na handang magpapatay ng presidente... ngayon lang!'—Luistro

Sa inilabas naman na pahayag ng Akbayan sa kanilang Facebook page nito ring Lunes, sinabi halos aabot na raw ang litanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na “mahiya naman kayo” noong Hulyo 28, 2025, bilang simula ng pagpapakulong sa mga umano’y sangkot sa korapsyon. 

“One year since BBM’s ‘mahiya naman kayo’ exposé, all those involved in the flood control corruption must be charged, arrested, & jailed,” pagsisimula nila. 

Anang Akbayan, hindi raw dapat matapos ang pagpapanagot at paghuli kina Jinggoy, Revilla, Marcoleta, at Defensor kundi pati na rin daw sa lahat ng nagnakaw ng pera ng taumbayan. 

“Accountability must not stop with Jinggoy, Revilla, Marcoleta, & Defensor. It must reach everyone who stole from us!” buwelta nila. 

Bago pa ito, matatandaang kusang sumuko si Revilla sa mga awtoridad noong Enero 19, 2026, matapos niyang madawit sa maanomalyang flood control projects sa Pandi, Bulacan. 

Habang sumuko naman sa mga awtoridad si Estrada noong Hunyo 1, 2026, kaugnay sa pagkakadawit niya sa pagtanggap umano ng kickbacks sa maanomalyang flood control projects. 

KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman, 'no bail' para kay Sen. Estrada dahil sa umano'y ₱573M kickback sa flood control

KAUGNAY NA BALITA: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'