Lumala ang rambol ng mga estudyante sa isang eskwelahan sa Misamis Oriental matapos umanong makisali ng tatay at kapatid ng isa sa mga mag-aaral na sangkot sa gulo.
Ayon sa mga ulat, bigla na lamang nagsuntukan ang grupo ng ilang mga estudyante sa loob ng eskwelahan. Bunsod nito, isang mag-aaral ang pinaniniwalaang nakalabas ng gate at saka tinawag ang kaniyang ama at kapatid.
Mapapanood sa nagkalat na video sa social media ang pagsulpot ng mag-aama at saka nakisali sa gulo.
Nagdulot naman ng pangamba sa ilang mga estudyante ang sumiklab na gulo dahil sa pag-usbong ng bali-balitang armado umano ang tatay at kapatid ng estudyanteng tumawag ng resbak.
Bunsod nito, nag-unahan sa paglabas sa paaralan at magtago ang ilang mga estudyante, hanggang sa tuluyang naawat ang gulo.
Samantala, agad namang naaresto ng mga awtoridad ang kalalakihang sangkot sa gulo, maging ang tatay at kapatid na sumalo rin sa suntukan.
Nilinaw din ng lokal na pamahalaan ng Misamis Oriental na walang basehan ang kumalat na mga ulat na armadong nakapasok sa naturang eskwelahan ang mag-ama.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng gulo.