July 25, 2026

Home BALITA

Rep. Diokno, kumuda sa ‘spliced video’ na ibinala sa kaniya ni Sen. Pia!

Rep. Diokno, kumuda sa ‘spliced video’ na ibinala sa kaniya ni Sen. Pia!
Photo courtesy: Contributed photo

Nilinaw ni House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno ang kaniyang naging pahayag kaugnay ng paghiling ng bank records ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial, matapos itong kuwestiyunin ni Senator-Judge Pia Cayetano sa pamamagitan ng reshared Facebook video.

Sa isang FB post, sinabi ni Diokno na nais lamang niyang ilahad ang buong konteksto ng kaniyang naging pahayag upang hindi umano maligaw ang publiko sa isyu ng tinatawag na "fishing expedition."

“With all due respect to the Senator-Judge at para hindi maligaw ang publiko, ito po ang konteksto at kumpleto na sinabi ko: ‘(Ang fishing expedition) ay maaaring sabihin nating nangyari kung only if the party requesting the evidence or documents ay nagbabakasakali lang, baka may makuha tayo dito,” ani Diokno.

Ayon kay Diokno, hindi umano "nagbabakasakali" ang House prosecution panel sa paghiling ng mga dokumento dahil may sapat silang batayan mula sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Linawin ko po: Hindi tayo nagbabakasakali lang. May probable cause o sapat na dahilan na nakita sa mga record ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa bilyun-bilyong dumaan sa accounts ng VP at kaniyang asawa.”

Probinsya

Tatay at kapatid, rumesbak sa away ng mga estudyante sa loob ng eskwelahan!

Ipinaliwanag din ni Diokno na ang layunin ng paghiling sa bank records ay upang mapatunayan kung tumutugma ang mga ito sa nilalaman ng AMLC reports. 

Aniya, hindi maaaring makuha ng Kamara ang mismong bank records nang walang subpoena o utos mula sa korte.

“Hiningi natin ang bank records para makita kung tugma ito sa sinasabi ng AMLC reports. Tandaan: Ang bank records ay maaari lang mailabas kapag may utos o subpoena mula sa korte. Ibig sabihin, kung nabuksan ng Kamara ang mismong bank records bago ang trial, paglabag ‘yan sa karapatan at due process ni VP Sara Duterte,” pagsasaad pa ni Diokno.

Dagdag pa niya, ngayong may inilabas nang subpoena para sa bank records ng Bise Presidente, magkakaroon ng pagkakataon ang magkabilang panig na gamitin ang mga ito bilang ebidensya sa impeachment trial.

“Ngayong may subpoena na para sa bank records ng Bise Presidente, magagamit ito ng magkabilang panig para patunayan ang kanilang kaso. Sa ganitong paraan, makakapagpasya ang mga Senator-Judges batay sa kabuuan ng ebidensya,” saad pa niya.

Sa naturang video na ni-post ni Sen. Pia, mapapanood ang naging argumento nila ni Diokno kasama ang kaniyang kapatid at kapuwa senador na si Sen. Alan Peter Cayetano. 

Mababasa rin na nakapaskil sa video ang “NAGBAKASAKALI LNG? WALANG MGA EBIDENSYA PERO NAG AAKUSA NA!” bilang pagtirada ni Sen. Pia kay Diokno.