National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pag-aralang mabuti ang panukalang pagtatayo ng water impounding system sa Candaba, Pampanga bilang long-term solution sa problema sa pagbaha sa lalawigan.

Naungkat ang planong pagpapatayo ng impounding system sa Candaba matapos makipagpulong ang Pangulo sa mga local government official ng lalawigan kaugnay ng malawakang pagbaha sa Central Luzon.

Sa naturang pagpupulong, tumutol ang ilang opisyal sa nasabing plano dahil sa pangambang maapektuhan ang kabuhayan ng mga residente sa lugar, partikular na ang mga magsasaka.

Gayunman, pinawi ni Marcos ang pangamba ng mga ito. “Do not worry when it comes to the LGUs. Kayo naman ay hindi namin basta…sasagasaan na lang ‘yung project. Hindi namin gagawin ‘yun," anang Pangulo.

“Unang-una, kayo mag-a-approve nito. Hindi naman ma-approve ito kung ayaw ninyo. Kayo mag-approve nito na kukuha ng 10 percent (land) para paglagyan ng impounding," aniya.

Tiniyak din ng punong ehekutibo na ire-relocate sa ibang lugar ang mga residenteng tatamaan ng proyekto.

Binanggit din sa pagpupulong na ang pagpapatayo ng malaking collection pool ang tanging nakikitang solusyon sa problema sa pagbaha sa lugar.

Matatandaang lumikha ng matinding trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) ang pagbaha sa Candaba Swamp sa Pampanga nitong Sabado, Agosto 5.