Makararanas ng matinding pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa dulot ng southwest monsoon na paiigtingin ng dating bagyong Falcon (Khanun), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). 

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Sa pagtaya ng PAGASA, kabilang sa maaapektuhan ng hanging habagat ang Zambales, Bataan, Metro Manila, Ilocos Region, Pampanga, Bulacan, Occidental Mindoro, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, CALABARZON, natitirang bahagi ng Central Luzon, at MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan).

Ayon sa ahensya, malawakan ang inaasahang pag-ulan dahil palalakasin ito ng bagyong Khanun na nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR).

Posible rin itong magdulot ng pagbaha at landslides sa mga binanggit na lugar.

Mararanasan ang epekto ng southwest monsoon simula ngayong Agosto 2 sa mga susunod na araw, anang PAGASA.

Sinabi rin ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Khanun (dating bagyong Falcon) 765 kilometro hilagang silangan ng Itbayat, Batanes o sa labas na ng Pilipinas.

Sa kabila nito, taglay pa rin ng bagyo ang hanging 175 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugso na hanggang 215 kph.

Ang bagyo ay kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 10 kph.