“The design is very Crazy Rich Asians, pero Bulacan version.”
Tila hindi napigilan ng bagyo ang magkasintahan mula sa Bulacan matapos nilang ituloy ang kanilang kasal sa gitna ng pagbaha sa Barasoain Church sa City of Malolos.
Ibinahagi sa Facebook post ng pinsan ng groom na si Maria Jasmin Halili, 34, ang ilang mga larawan at video ng pagsuong ng bride at groom sa baha para makarating sa altar sa simbahan nitong Linggo, Hulyo 30.
“Walang bagyo o baha sa dalawang taong nagmamahalan, kaya tuloy ang Kasal!! 💕 👩❤️👨 Congratulations to my cousin Paulo and Diane,” caption ni Halili sa naturang post.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Halili na hindi nila inasahang babahain ang loob ng simbahan dahil noong bumisita raw sila noong Sabado ay wala pa namang baha.
“Nakapagkasal pa nga daw po ng dalawa, kaso nagpakawala daw po ang dam. Kaya pinasok pati loob ng simbahan,” ani Halili.
Gayunpaman, tinuloy pa rin ang kasal at lahat ng dumalo ay game na game din na suungin ang baha para sa mahalagang seremonya.
“Lahat kami nakatapak, ‘yung iba po may mga baon na bota tapos ‘yung iba naka-slippers na lang. Pero ako nakatapak kasi wala kong dalang extra,” natatawang kuwento ni Halili.
“The entire wedding, nakababad kami sa baha,” saad pa niya.
Sa kabila ng baha sa simbahan, sinabi ni Halili na kitang naging masaya pa rin ang kasal ng kaniyang pinsan.
“Successful po yung kasal. Parang walang tubig,” ani Halili.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!