Malapit nang matunghayan ng bansa ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na gaganapin sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, sa Lunes, Hulyo 24.

Ito ang ikalawang SONA ni Marcos, Jr. mula nang manungkulan siya bilang Pangulo ng Pilipinas noong nakaraang taon.

Ngunit, bakit nga ba may SONA kada taon?

Ayon sa ulat ng Official Gazette na pinamagatang “SONA: Kasaysayan at mga Tradisyon,” nagpapahayag ang Pangulo ng Pilipinas ng SONA taon-taon dahil isa itong obligasyong konstitusyonal.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nakasaad sa Artikulo VII, Seksiyon 23 ng 1987 Konstitusyon na dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakataon.

Samantala, ayon sa Artikulo VI, Seksiyon 15, kinakailangang magtipon ang Kongreso nang isang beses bawat taon tuwing ikaapat na Lunes ng buwan ng Hulyo para sa regular na sesyon nito.

Kaya naman, alinsunod sa Saligang-Batas, taon-taong nagtitipon ang Kongreso sa ikaapat na Lunes ng Hulyo, kung saan ngayong taon ay natapat ang petsa nito sa Hulyo 24, ang araw ng SONA ni Marcos.

Para sa SONA ng Punong Ehekutibo ng bansa, ayon sa Official Gazette, maaari umano niyang talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at ang plano ng pamahalaan para sa susunod na taon. Maaari din umanong magmungkahi ang Pangulo sa Lehislatura ng ilang mga batas na nais niyang ipatupad.

Dahil dito, mahalagang mapakinggan at siyasatin ng bawat sektor ng lipunan ang SONA ng Pangulo sapagkat maaari itong maging salamin ng mga susunod na hakbang ng pamahalaan, na may direktang epekto sa mga Pilipino.