Mas lumakas pa ang bagyong Egay at malapit nang maging ganap na severe tropical storm, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng umaga, Hulyo 23.
Sa ulat ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo 705 kilometro ang layo sa silangan ng Daet, Camarines Norte, taglay ang maximum sustained winds na malapit sa sentro na umaabot sa 85 kilometers per hour at pagbugsong 105 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong gumagalaw pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.
Sa ngayon, wala pa ring naitatalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA sa alinmang lugar dulot ng nasabing bagyo.
Gayunpaman, ayon kay weather specialist Daniel James Villamil, nagdudulot na ang trough ng bagyo ng kaulapan sa silangang bahagi ng bansa na nagiging dahilan ng mga pag-ulan sa silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Northeastern Mindanao.
“Samantala, ito namang habagat ay nagdudulot ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng ating bansa, sa malaking bahagi ng MIMAROPA at mga nalalabing bahagi ng Visayas,” ani Villamil.
Inaasahan naman umanong aabot pa ang bagyo sa typhoon category sa loob ng 24 na oras at maaaring maging isang super typhoon pagsapit ng Martes, Hulyo 25.