Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Hulyo 23, na lumakas pa ang bagyong Egay at isa nang ganap na severe tropical storm.

Sa ulat ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo 610 kilometro ang layo sa silangan ng Daet, Camarines Norte, taglay ang maximum sustained winds umaabot sa 95 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 115 kilometers per hour.

Kasalukuyan itong gumagalaw pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.

Sa ngayon, wala pa ring naitatalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA sa alinmang lugar dulot ng nasabing bagyo.

National

WALANG PASOK: Class suspension para sa Biyernes, Marso 7

Gayunpaman, ayon kay weather specialist Aldczar Aurelio, patuloy umanong pinapalakas ng bagyo ang southwest monsoon o habagat na nakaaapekto pa rin sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

Inaasahan naman umanong aabot pa ang bagyo sa typhoon category sa loob ng 24 na oras at maaaring maging isang super typhoon pagsapit ng Martes, Hulyo 25.