Ibinunyag ng talk show host na si Ogie Diaz na hindi raw muna lalahok ang Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda sa taunang “Metro Manila Film Festival 2023.”

Sa latest YouTube video na Ogie Diaz Showbiz Update nitong Sabado, Hulyo 15, ikinuwento ni Ogie sa kaniyang co-hosts na sina Mama Loi at Tita Jegs ang naging chikahan nila ni Vice.

Inusisa ni Ogie si Vice kung bakit tila hindi raw naririnig ang kaniyang pangalan kung may entry siya sa Disyembre para sa nasabing film festival.

Ayon sa talk show host, sinabi raw mismo sa kaniya ni Vice na hindi muna umano ito sasali at kung siya ang papipiliin, mas gusto niyang play-date ay sa Nobyembre.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Ito ay sinabi sa akin ni Vice Ganda, na hindi muna siya sasali sa Metro Manila Film Festival at kung siya ang papipiliin, mas gusto niya muna ang play-date na November,” aniya.

Dagdag pa ni Ogie, parang kagaya lang daw noon na Nobyembre rin ipinalabas ang dati niyang pelikulang “The Super Parental Guardians” na tumabo rin sa takilya.

Sa huli, klinaro naman ng talk show host na hintayin pa rin ang pormal na anunsyo, baka raw kasi may changes pa ring mangyari.

Napansin din ng talk show host na pati si Bossing Vic Sotto ay tila wala ring umanong entry para sa ngayong Metro Manila Film Festival.

Kamakailan lang ay inanunsyo na ang apat na pelikulang pasok na sa nasabing film festival base sa ibinigay na script ng kanilang pelikula.

Matatandaan namang sanib-pwersa sina Vice at ang actress-vlogger na si Ivana Alawi sa kanilang MMFF 2022 entry na “Partners in Crime” sa direksyon ni Cathy Garcia-Sampana (dating Molina).