Tagumpay na nakapagtapos ng senior high school ang 65-anyos na si Lola Pascuala Almonicar mula sa Santa Fe, Cebu.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Lola Pascuala na matagal na niyang pangarap ang makapagtapos ng pag-aaral at maging Midwife, ngunit hindi umano niya ito agad natupad dahil na rin sa hirap ng buhay at dahil pito silang magkakapatid na pinalaki ng kanilang mga magulang.

“Sa dami naming magkakapatid, wala man lang nakatapos sa pag-aaral,” aniya.

Gayunpaman, hindi raw inalis ni Lola Pascuala sa kaniyang isipan ang pangarap na makapag-aral, hanggang sa 60-anyos daw siya nang sa wakas ay magkaroon ng pagkakataong matupad ito.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS), nagpatuloy si Lola Pascuala sa pag-aaral at itinuloy ito sa senior high school sa Kinatarman National High School.

Masaya naman daw siya dahil very supportive ang kaniyang asawa, walong anak, at 17 na mga apo.

Ayon pa kay Lola Pascuala, nakaranas siya ng mga pagsubok sa gitna ng kaniyang pag-aaral hindi lamang dahil sa kaniyang edad ngunit dahil umano sa kahirapan. Gayunpaman, hindi raw ito naging hadlang para makapagtapos siya ng senior high school.

“Kadalasan naglalakad lang po ako pag walang pamasahe, sa kabilang barangay ‘yung paaralan ko. At sinasabay ko ‘yung trabaho ko at pag-aaral ko. Nagtatrabaho ako bilang isang BNS (barangay nutrition scholar). Minsan, pumapasok na walang baon kasi ‘yung baon kong saba, ibibigay ko na lang sa mga apo ko. Pero lahat kinaya ko dahil gusto ko,” kuwento ni Lola Pascuala.

“Masayang masaya ako kasi sa edad kong to, ‘di ko akalain na maabot ko pa ang dati lang ay pangarap ko. Sobrang pasasalamat sa Taas at sa mga anak ko na nagbigay buong suporta,” dagdag niya.

Sa ngayon ay plano raw ni Lola Pascuala na mag-aral sa kolehiyo at makapagtapos ng kursong Midwifery.

Payo naman ni Lola sa mga kasing-edad niya na may inaasam na pangarap sa buhay? “Huwag mawalan ng pag-asa.”

“Hangga’t gusto natin, maraming paraan para maabot ito. Hindi hadlang ang aming edad para hindi maabot ang aming pangarap. Hangga’t kaya pa, laban lang,” saad ni Lola Pascuala.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!