“Hindi hadlang ang edad para makapag-aral.”

Ito ang pinatunayan ni Rico Pantoja mula sa Cavite, matapos siyang makapagtapos ng kindergarten sa edad na 15-anyos.

Tagumpay na grumaduate si Pantoja sa Amaya Elementary School sa Tanza, Cavite noong Hulyo 6.

Sa panayam ng Manila Bulletin nitong Martes, Hulyo 11, ibinahagi ni Pantoja kung gaano siya kasaya dahil naka-graduate na siya sa kinder.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

“'Nung unang araw po nang pagpasok ko sa school, masaya po kasi naramdaman ko po na ganito po pala 'yung pakiramdam ng pumasok sa eskwelahan,” aniya.

Si Pantoja ay isa umanong ulila at inampon ng isang mahirap na pamilya. Kaya naman, hindi raw siya kayang pag-aralin ng mga ito.

Sa kaniya namang kagustuhang mag-aral, nag-sign up daw siya bilang isang campaign volunteer noong nakaraang eleksyon upang makakuha ng allowance. Pagkatapos ng halalan, inampon siya ng pamilya ng konsehal at inalok pag-aaralin siya.

Dahil sa kasipagan ni Pantoja sa pag-aaral, nakapagtapos siya ng kinder at nakatanggap pa ng “Word Weaver Award.”

Pinayuhan daw ng eskuwelahan si Pantoja na kumuha ng qualifying exam para sa Alternative Learning System, at pinaghahandaan na umano niya ito upang mas mapalapit sa pangarap niyang maging isang pulis.

“'Kung medyo may edad na po kayo, hindi naman po tinitingnan ng eskwelahan kung ilang taon ka na para makapag-aral ka. Libre naman po kasing mag-aral kahit ilang taon na,” ani Pontaja sa MB

“Magsipag lang po kayo, ‘wag po kayong mahihiya kasi balang araw magagamit naman po 'yan sa buhay,” saad pa niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!