Tumindi pa ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal, ayon sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado.

Sinabi ng Phivolcs na sa nakaraang 24 oras, naitala nila ang 21 na pagyanig, kabilang ang walong volcanic tremor na tumagal ng hanggang 12 minuto.

Umabot sa 9,623 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan nitong Hulyo 6.

Naobserbahan naman ang pinakawalang usok ng bulkan na umabot sa 1,800 metrong taas at ito ay tinangay ng hangin pa-hilagang kanluran at timog kanluran.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Napansin din ng Phivolcs ang panandaliang pamamaga ng kanlurang bahagi ng Taal Volcano Island (TVI) at  pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera.

Bawal pa ring lumapit o pumasok sa TVI, lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures.

Panawagan pa ng ahensya, ipinagbabawal pa rin ang pamamalagi sa lawa ng bulkan dahil sa nakaambang phreatic explosions at posibleng pagbuga ng nakalalasong usok.

Nananatili pa rin sa level 1 ang alert status ng bulkan.