Kinagiliwan ng netizens ang viral post ni Clinton Adizas kung saan ang binili niyang lumpia sa palengke ay isang turon pala.

Sa Facebook post ni Clinton, makikita ang larawan ng 2 lumpia niyang binili sa palengke kung saan nakababad pa sa suka ang isa nito.

“Bumili ako ng 2 Lumpia sa palengke. Tiniis ko ang trapik, kahit takam na takam nako, para lang mai-ulam ang Lumpia pag dating sa bahay. Ibinabad ko pa ng todo sa suka. Pag subo ko TURON pala. Haynaku! GG SAYO TE! .” mababasang caption sa Facebook post ni Clinton nitong Hunyo 28, 2023.

Ayon naman sa eksklusibong panayam ng Balita kay Clinton, may nakapaskil na lumpia sa menu at mayroon ding turon. Dahil sa dami ng tao sa napagbilhang tindahan, hinala ni Clinton na hindi na napansin ng tindera na turon ang naibigay sa kaniya.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

“May nakapaskil na lumpia sa menu, mayroon din namang turon siyang binebenta. Matao yung stall, siguro sa sobrang busy din niya ay hindi na napansin ni ate ang  binigay sa akin.” aniya.

Sa kabila ng nangyari, kinain pa rin naman daw ni Clinton ang nabiling turon kahit na may pagka-lasang sweet & sour na ito dahil nababad niya na sa suka.

Sa kabila nito, hindi niya na rin naisip iyon dahil gutom na talaga siya at nanghihinayang pa kung itatapon niya lang.

“Kinain ko pa rin kasi gutom na ako e, sayang naman kung itatapon ko. Weird nga lang ang lasa kasi sweet & sour na siya.” dagdag pa niya.

Samot-saring nakatutuwang komento naman ng netizens ang mababasa sa comment section:

“It's a prank Pala.”

“Bagong flavor Yan NG lumpia.”

“Anung lasa? Bagay din ba ang turon sa suka ? Lol.”

“Tamis at asim .”

“Hahaha na fake news ka unang kagat saging agad .”

Habang sinusulat ang balitang ito, umabot na sa 202K reacts, 2K comments at mayroon namang bilang na 7.3K shares ang inabot ng kaniyang Facebook post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!