Nasugbu, Batangas -- Nailigtas ang dalawang Turkish nationals, at isa sa kanila ang nalapnos ang balat matapos tumalon sa karagatan mula sa nagliliyab at sumabog na yate sa Limbones island sa Barangay Papaya, noong Biyernes, Hunyo 16.

Kinilala ang mga biktima na sina Erdinc Turerer, 62, single, architect at kasalukuyang naninirahan sa Sitio Baras, San Isidro, Leyte; at Ergel Abdulla, 40, may-asawa, boatman, naninirahan sa Tapilon, Daanbantayan, Cebu City, ayon sa ulat ng Nasugbu Police.

Naunang nasagip si Turerer ng mga mangingisda sa Barangay Papaya at dinala sa dalampasigan at agad naman iniulat kay Barangay Chairman Marlon Limboc ang insidente, na humingi ng tulong sa Nasugbu Coast Guard para hanapin ang nawawalang si Abdulla.

Nagsagawa ng search and rescue operation ang coast guard at kalaunan ay nakatanggap ng impormasyon na si Abdulla ay nasagip ng MV Lady Martina.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Base sa salaysay ni Turerer, dakong alas-3 ng madaling araw sila ay lulan ng yate galing ng San Isidro, Leyte at patungo sa Ilocos Norte habang malakas ang alon.

Ang reserbang gasolina na nasa container ay nahulog sa kinalalagyan at tumapon ang laman hanggang kumalat sa engine room at umabot sa gas tank at dito nagkaroon ng pagliyab hanggang sa sumabog.

Si Turerer ay nagtamo na first-degree burns sa kaniyang binti at braso, samantalang si Abdulla ay hindi nasaktan, kapwa sila dinala Jabez Medical Center, Nasugbu, Batangas, at nasa ligtas nang kalagayan.