MRT-3, magpapatakbo na ng 4-car trains
MRT-3, magpapatakbo na ng 4-car trains
Magandang balita dahil magpapatakbo na ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng 4-car trains.
Nabatid na mas malawak na kapasidad ang tinututukan ng MRT-3 sa ikalawang bahagi ng rehabilitasyon ng linya nito.
Sinabi ng MRT-3 na mula sa kasalukuyang three-car train set-up, gagawin na nilang four-car train operation ang kanilang linya.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista, dahil dito ay mas maraming pasahero na ang mapagsisilbihan ng ligtas, mabilis, komportable at maaasahang serbisyo ng MRT-3.
Sa idinaos na ceremonial contract signing para sa MRT-3 rehabilitation and maintenance extension nitong Martes, sinabi ni Bautista na maitataas na sa higit kalahating milyon ang maisasakay ng MRT-3, mula sa 350,000 pasahero sa kasalukuyan.
"We also expect Sumitomo to enhance MRT-3's operational efficiency by using four-car train sets from the existing three-car sets. This will allow more passengers to traverse the length of EDSA, complementing the convenience offered by the EDSA Bus Carousel," ayon kay Bautista.
“More passengers will be accommodated by MRT-3, increasing significantly its daily ridership into more than half a million passengers a day," dagdag ng kalihim.
Una nang ini-extend ng DOTr ang kontrata ng Sumitomo Corporation bilang rehabilitation and maintenance provider ng MRT-3 hanggang Hulyo 2025.
Kasama sa dagdag na rehabilitation works ang extension ng Taft pocket track upang makapag-accommodate ng four-car trains sa mainline.
Sa kasalukuyan, nagpapatakbo ang MRT-3 ng humigit-kumulang 18 three-car trains, samantalang dalawa hanggang anim naman ang spare trains.
Ang Sumitomo Corporation ang orihinal na designer, builder, at maintenance provider ng MRT-3, na muling kinontrata ng DOTr upang magsaayos ng linya noong 2019. Magtatapos ang kanilang kontrata ngayong Mayo 31.