Sinamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang aabot sa 40,000 litro ng unmarked diesel na karga ng isang truck at trailer sa Seafront Shipyard and Port Terminal Services Corporation sa Barangay Lucanin, Mariveles, Bataan kamakailan.

Sa pahayag ng BOC-Port of Limay, ang operasyon ay isinagawa ng Enforcement and Security Service (ESS) ng ahensya nitong Mayo 21.

Sa report, nakatakda na sanang ikarga ang nasabing diesel sa barkong Meridian Cinco at MV Seaborne Cargo 7 na kinukumpini sa nabanggit na lugar.

Natuklasang galing pa sa Cabatuan, Isabela ang diesel.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Ayon sa BOC, kumuha ng samples ng diesel ang mga kinatawan ng Société Générale de Surveillance (SGS) upang isailalim sa marking testing.

Natuklasang hindi nakitaan ng presensya ng fuel marker ang nasabing samples, ayon sa BOC.

Dahil dito, naglabas ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC at kinumpiska ang nasabing produkto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at DOF-BOC-BIR Joint Circular 001-2021.

Idinagdag pa ng BOC, layunin ng fuel marking na masawata ang pagpupuslit ng produktong petrolyo at mapalaki ang revenue collection ng ahensya at Bureau of Internal Revenue sa binubuwisang imported at locally refined petroleum products.