Nagpahayag ng pangamba ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na mapipilitang isa-isang magsara ang mga pribadong paaralan sa bansa kung tuluyan nang maisabatas ang panukalang total ban sa “no permit, no exam policy."

Ayon kay COCOPEA spokesperson Atty. Kristine Carmina Manaog, base sa pinakabagong pag-aaral, aabot lamang sa hanggang pitong buwan ang pondo ng private school administrations upang mapatakbo ang kanilang mga paaralan kung hindi maipatutupad ang naturang polisiya.

Sakali naman aniyang maipatupad ang total ban sa ‘no permit, no exam policy,’ ay aabot na lamang ng dalawang buwan ang pondo ng private schools upang maayos na mapatakbo ang kanilang mga paaralan, lalo na at hindi naman sila binibigyan ng pondo ng pamahalaan.

"Sa long term, makakaapekto dahil hindi kaya, if walang regular na pumapasok na pera or funds sa private schools maapektuhan ang quality nito and eventually baka talagang magsara,"babala pa ni Manaog, sa panayam sa church-run Radio Veritas.

National

'Huwag kayo tumulad kay Bato at Baste!'—AI student

Kaugnay nito, nanawagan si Manaog sa mga mambabatas na isaalang-alang ang pagkakaroon ng balanse sa kapakanan ng mga private school at estudyante upang makamit ang dekalidad na edukasyon.

Tiniyak ni Manaog na kahit umiiral ang “no permit, no exam policy” ay nagbibigay pa rin naman ang mga private school ng pagkakataon sa mga estudyante na magbigay ng 'promissory note' upang pahintulutan silang makapagsulit.

“Yung talagang hindi pinapayagang hindi mag-exam na students is very rare and last resort na lang kung talagang very delinquent yung student or parents, but yung kadalasang practice naman talaga is pinapag-exam or pinapayagang mag-exam basta may promissory note," aniya pa.

Nauna nang nanawagan ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa mga mambabatas na pag-aralang mabuti ang pagsasabatas ng House Bill No.7584 at Senate Bill No.1359 o total ban ng 'No Permit, No Exam Policy', dahil nakasalalay sa pagbabayad ng matrikula ng estudyante ang pondong ginagamit ng mga private catholic schools sa pagpapasuweldo ng mga guro at iba pang operational costs