Binabantayan na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang bagyo na nasa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), malapit sa Mindanao.
Sa weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyong may international name na "Mawar" 2,520 kilometro silangan ng northeastern Mindanao.
Taglay nito ang malakas na hanging 85 kilometro kada oras at bugsong hanggang 105 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Nauna nang nagbabala si PAGASA weather forecaster Benison Estareja na posibleng lumakas ang bagyo sa mga susunod na araw.
Posible ring pumasok sa bansa ang naturang bagyo.
Nitong Linggo, apektado pa rin ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang Mindanao at Palawan, ayon pa sa PAGASA.