Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagbubukas ng isang mas maganda at mas mabuting 'Paraiso ng Batang Maynila' na magbibigay sa mga residente ng Malate ng lugar kung saan maaari silang mag-relax at magpalipas ng oras.

Nabatid na mismong si Lacuna, kasama sina Metro Manila Development Authority (MMDA)Acting Chairman Atty. Romando Artes, Vice Mayor Yul Servo Nieto, Father Domingo Asuncion ng Our Lady of Assumption Church, City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac at iba pa, ang nanguna sa pormal na pagbubukas sa publiko ng naturang parke noong Lunes ng gabi.

“Pinasisinayaan natin ang proyektong ito ng pagsasaayos, pagpapaganda at pagpapaliwanag nitong Paraiso ng Batang Maynila, kung saan ay inayos ang mahigit sa 2,000 metro kuwadradong park," ayon pa kay alkalde.

Nabatid na isa sa mga bagong features ng nasabing parke ay ang 200 meters jogging path, mga upuang nagsisilbing pahingahan o tambayan ng mga magbabarkada, iba't-ibang ilaw at isang magandang landscape.

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

Binigyang-diin ni Lacuna na malaki ang papel na ginagampanan ng mga parke sa pagtataguyod ng malusog na pamumuhay para sa mga residente.

Hinikayat rin ni Lacuna ang mga residente na palagiang gamitin ang mga nasabing parke.

Paliwanag niya, "Ang ganitong mga parke ay makatutulong sa pagkakaroon ng malusog na pamumuhay ng ating mga kababayan dahil nakahihikayat ito upang mag-ehersisyo ang mga tao, magkaroon ng oras sa pamamasyal at pagpapahinga, nakapagpapabuti ng kaisipan at nagbibigay espasyo sa mga bata upang makapaglaro at makipag-ugnayan sa mga kapwa bata."

Samantala, pinasalamatan rin niya ang MMDA dahil sa paglalaan ng pondo para sa nasabing proyekto na nagkakahalaga ngP20 milyon.

“Malaking tulong ito sa programa ng ating pamahalaang lungsod sa patuloy na pagsisikap natin na maisaayos ang lahat ng mga pasyalan dito sa buong Maynila,” aniya pa.

Sinamantala na rin ng alkalde ang pagkakataon na manawagan sa mga barangay officials na may hurisdiksyon sa nasabing parke at sa mga kalapit na barangay na tiyaking naaalagaan at napoprotektahan ito laban sa lahat ng uri ng bandalismo.

Nanawagan din siya sa mga residente na makipagtulungan sa pamahalaang lungsod na mapanatiling malinis, maayos at maganda ang parke sa lahat ng oras.

Sinabi pa ng alkalde na ang transpormasyon ng Bagong Paraiso ng Batang Maynila ay bahagi ng kampanya na makapag-debelop ng open, green spaces para pakinabangan ng publiko sa ginta ng mainit na lagay ng panahon.

Sa kasalukuyan, ang parke ay mayroon ding playground areas, basketball court,garden at gazebos, lamp posts,bollards at fountain na pinaiilawan kapag gabi.