Isang rider ang patay nang ma-hit-and-run ng isang closed van sa tapat ng isang simbahan sa Tondo, Manila nitong Martes.

Dead on the spot ang biktimang si Christian Darren Isla, 25, field marshall, at residente ng J. Luna St., Gagalangin, Tondo, matapos na mahulog sa motorsiklo at magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Batay sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong alas-5:10 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Velasquez St., tapat ng simbahan, sa Tondo.

Sa imbestigasyon ni PCpl Allanion Aquino, nabatid na sakay ng isang Honda Click Motorcycle na may plate number 338-QQC, ang biktima at binabaybay ang southbound lane ng Velasquez St., nang pagsapit sa tapat ng simbahan ay bigla na lang itong masagi ng isang closed van, na bumibiyahe rin sa kaparehong direksiyon.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Dahil dito, tumilapon ang biktima mula sa motorsiklo at bumagsak sa sementadong kalsada, na nagresulta sa pagkamatay nito.

Sa halip namang huminto, mabilis na humarurot at tumakas ang van na nakasagian ng biktima, na walang suot na helmet nang mangyari ang insidente.

Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng driver ng closed van upang mapanagot sa pangyayari.