May 22, 2026

Home BALITA National

Disente at sariling tahanan! PBBM, ibinida serbisyong pabahay ng pamahalaan

Disente at sariling tahanan! PBBM, ibinida serbisyong pabahay ng pamahalaan
Photo courtesy: Bongbong Marcos (FB)

Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang serbisyong pabahay ng pamahalaan sa kabila ng mga kinakaharap na problema ng bansa gaya ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, nitong Linggo, Abril 26.

Sa kaniyang "BBM Vlog 281," ibinida ng Pangulo ang "Pabahay" ng pamahalaan sa ilang pamilya. Giit ng Pangulo, magpapatuloy pa rin ang pamahalaan sa mga paglutas ng mga suliranin ng bansa at pagbibigay ng serbisyo-publiko kahit na mabigat ang krisis na kinahaharap ng bansa.

"Alam n'yo po, kahit na mabigat ang krisis natin sa enerhiya, ang trabaho ng gobyerno ay hindi maaaring doon lang tumigil," aniya.

"Patuloy ang paggawa ng mga kalye at daan, patuloy ang pangangalaga sa mga may sakit, mga estudyante, hindi puwedeng huminto ang pagpuksa sa krimen, hindi rin puwedeng tumigil ang pagsuporta sa ating mga atleta, sa kultura, sa sining, sa turismo."

"Patuloy ang trabaho sa lahat ng sangay ng gobyerno. At iyan naman talaga ang dapat. Hindi natin hahayaang maparalisa ang serbisyong ibinibigay ng gobyerno, anuman ang problemang hinaharap," aniya pa.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Maki-Balita: 'Anoman ang problemang hinaharap, tuloy ang trabaho, serbisyo ng gobyerno!'—PBBM

Sumunod, naging laman ng vlog ang paglalahad niya sa mga naging programa ng pamahalaan sa kabila ng krisis, lalo na ang programang pabahay para sa pamilyang walang sariling tahanan.

Sa loob daw ng ilang taon, libo-libong mga pamilya ang walang maayos na tirahan. Hirap daw silang kumuha ng maayos na pabahay, at kung mayroon man, hindi raw angkop sa disenteng pamumuhay. Kaya raw agad na inilunsad ni PBBM ang Pambansang Pabahay para sa mga Pilipino program o 4PH, hindi lamang daw para magtayo ng mga bahay, kundi upang ibalik ang pag-asa at dignidad ng bawat pamilyang Pilipino.

Noong nakaraang linggo raw, binisita at ininspeksyon ni PBBM ang housing projects sa San Fernando, Pampanga para tiyaking ang bawat pamilya ay magkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling tirahan.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Sec. Jose Ramon Aliling, naniniwala siyang ang dignidad ng pamilya, lalo na ang Pilipinong pamilya, ay kapag nagkaroon siya ng sarili niyang bahay.

Kuwento naman daw ng ilang residente, dahil sa mababang interes sa pagkakaroon ng unit sa pabahay, naging mas abot-kaya ito para sa kanila, para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Ibinaba kasi sa 1-3% ang subsidized interest rate ng pamahalaan sa nabanggit na socialized housing project, alinsunod sa utos ni PBBM.

Nangako naman ang Pangulo na gagawan nila ng paraan ang mga kulang pang pabahay.

Para malaman ang requirements ng 4PH, mangyaring bisitahin lamang ang website ng DHSUD.