Ipinagdiinan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na sa kabila ng mga kinakaharap na problema ng bansa gaya ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, magpapatuloy pa rin ang pamahalaan sa mga paglutas ng mga suliranin ng bansa at pagbibigay ng serbisyo-publiko.
Sa kaniyang "BBM Vlog 281," ibinida ng Pangulo ang "Pabahay" ng pamahalaan sa ilang pamilya.
"Alam n'yo po, kahit na mabigat ang krisis natin sa enerhiya, ang trabaho ng gobyerno ay hindi maaaring doon lang tumigil," aniya, na mapapanood sa kaniyang social media platforms.
"Patuloy ang paggawa ng mga kalye at daan, patuloy ang pangangalaga sa mga may sakit, mga estudyante, hindi puwedeng huminto ang pagpuksa sa krimen, hindi rin puwedeng tumigil ang pagsuporta sa ating mga atleta, sa kultura, sa sining, sa turismo."
"Patuloy ang trabaho sa lahat ng sangay ng gobyerno. At iyan naman talaga ang dapat. Hindi natin hahayaang maparalisa ang serbisyong ibinibigay ng gobyerno, anuman ang problemang hinaharap," aniya pa.
Sumunod, naging laman ng vlog ang paglalahad niya sa mga naging programa ng pamahalaan sa kabila ng krisis, lalo na ang programang pabahay para sa pamilyang walang sariling tahanan.
Sa loob daw ng ilang taon, libo-libong mga pamilya ang walang maayos na tirahan. Hirap daw silang kumuha ng maayos na pabahay, at kung mayroon man, hindi raw angkop sa disenteng pamumuhay. Kaya raw agad na inilunsad ni PBBM ang Pambansang Pabahay para sa mga Pilipino program o 4PH, hindi lamang daw para magtayo ng mga bahay, kundi upang ibalik ang pag-asa at dignidad ng bawat pamilyang Pilipino.
Noong nakaraang linggo raw, binisita at ininspeksyon ni PBBM ang housing projects sa San Fernando, Pampanga para tiyaking ang bawat pamilya ay magkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling tirahan.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Sec. Jose Ramon Aliling, naniniwala siyang ang dignidad ng pamilya, lalo na ang Pilipinong pamilya, ay kapag nagkaroon siya ng sarili niyang bahay.
Kuwento naman daw ng ilang residente, dahil sa mababang interes sa pagkakaroon ng unit sa pabahay, naging mas abot-kaya ito para sa kanila, para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Para malaman ang requirements ng 4PH, mangyaring bisitahin lamang ang website ng DHSUD.