Natimbog ng pulisya ang isang umano'y finance officer ng terrorist group na Dawlah Islamiya (DI) sa isang ospital sa Isulan, Sultan Kudarat nitong Mayo 7.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang teroristang si Racma Dinggo Hassan matapos maaresto ng mga pulis habang nakaratay sa Sultan Kudarat provincial hospital.

Si Hassan ay asawa ni Norodin Hassan na sub-leader ng DI Hassan Group na nag-o-operate sa Maguindanao del Sur at Sultan Kudarat.

Napatay si Norodin sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Tunganon, Carmen, North Cotabato noong Enero 15, 2022.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sinabi ni Rajah Buayan Municipal Police Station chief, Capt. Joel Lebrillo, naaresto si Hassan matapos silang makatanggap nhg impormasyon na nagpapagaling ito sa nasabing ospital dahil sa pinsala sa kanyang ulo.

Aniya, nahaharap si Hassan sa kasong multiple frustrated murder kung saan itinakda ang piyansa nito sa P120,000.

Nagsisilbi aniyang liaison officer at financial facilitator ng mga terorista si Hassan at nagtatago ito sa Maguindanao del Sur.

Philippine News Agency